Saturday, June 30, 2012

Alam mo ba anak?


ALAM MO BA, ANAK?

Nuong kalagitnaan ng 1990 ninais kong magsulat ng isang serye na ang nilalalaman ay patungkol sa mga nararapat mabatid ng mga Pilipino na nasa ibayong bansa lalu na sa Amerika. Ang pormat na nais kong iparating ay tulad ng pagkukuwento ng isang magulang sa anak, ng may-edad sa musmos na bata. Isa rin itong almanac pero sa halip na patungkol sa klima o panahon, hinggil ito sa buhay-buhay ng mga Pilipino. Ang naging pananada ko kolum ay 'alam mo'nac', pinaikling ALAM MO BA ANAK?...

+++++

alam mo’nac
ni MC Canlas (1/9/97)

Unang Labas

Laging tandaan: mapanganib ang kakaunting kaalaman, napaglalamangan ng walang kamalay-malay.

Alam mo, anak, hindi lahat ng tinuro sa ati’y wasto at siyang totoo. Hindi lahat ng napag-aralan, sa paaaralan, media at simbahan, ay pawang katotohanan. Maaring tayo ay inuuto, niloloko at nililinlang na, hindi pa natin alam.

Laging tandaan: kung ang isang bagay ay kulang, wala at di-sapat ang batayan at kapaliwanagan, huwag padadala kaagad at paniniwalaan.

Alam mo, anak, hindi lahat ng tinuro sa ati’y wasto at siyang totoo.

·         hindi totoong “pre-historic,” “stone-age,” “noble savages,” ang mga Tasaday at Tau’t Bato.

Mga pakulo at gimmick lamang ito ng Panamin ni Manda Elizalde noong panahon ni Marcos!

Ang totoo, ito’y ginagamit para magkapera at prestihiyo ng mga may pasimuno, at higit sa lahat, maitatago ang pagnanakaw, pagkamkam ng mga lupain at pagpaslang sa mga katutubo.

·         hindi totoo ang kasaysayan ng “Sampung Datu” sa Panay, ang “Code of Kalantiaw” at mismo ang “ati-atihan.”

Pinabulaanan na ito ng mga istoryador na ito’y kathang-isip lamang ng nangangalang Jose E. Marco ng Negros Occidental.

Ang totoo, pinalaganap ito sa ating textbook at sa mga tao sa Panay at Negros nang sa ganoon ang pagkakaroon ng malakihang lupain at pag-aari ng mga asendero at ilang mayayaman ay may “pinagbatayan at pinag-ugatan” sa ating kasaysayan.

Alam mo, anak, hindi lahat ng napag-aralan, sa araling-panlipunan, pawang katotohanan.

·         Hindi totoong ating tinubuang lupa ay “natuklasan” ni Ferdinand Magellan, na ang mga ninuno natin ay “di-sibilisado” at “walang takot sa Diyos”

Ito ang turo ng mananakop na Kastila at Simbahan Katoliko. Hindi katanggap-tanggap sa mga bihasa at makabayang istoryador.

Ang totoo, bago pa man dumating ang “puting dayuhan” ang ating mga ninuno ay mayroon ng kabihasnan, paniniwala sa Diyos, kultura at mahusay na pakikipag-ugnayan sa mga dayuhan mula Tsina, Indiya, Arabo, Hapon at Timog-Silangan Asya.

·         hindi totoong “sinagip” ng Amerika ang ating Inang Bayan sa Kastila upang bigyan ng “demokrasya’t kalayaan”

Malaking kasinungalingang isinaksak sa utak ng mga mamamayang Pilipino at Amerikano. Pinalaganap ito bilang “Manifest Destiny” at “ Benevolent Assimilation” ng Estados Unidos sa Pilipinas.

Ang totoo, ang pangunahing interes ng Estados Unidos ay ang mapalawak ang kaniyang “economic at political power” sa Asya at sa buong mundo.

·         hindi totoo na ang mga Pilipino sa America ay “recent immigrants,” mga bagong salta at walang bahagi at karapatan sa kasaysayan ng Estados Unidos.

Ang isyu ay kakabit sa anti-immigrant at anti-people at racist na policies ng Gobyerno.

Ang totoo, noong 1587 napadpad na ang ilang katutubo ng Luson sa tinatawag ngayong Morro Bay California. Sakay sila ng Nuestra Senora de Esparanza, isang Galleon ng Kastila.

Alam mo, anak, hindi pa naman ang huli ang lahat. Marami pa tayong kailangan “unlearnings” para lubusan nating mauunawaan ang ating sarili at ang ating pagka-Pilipino. Tara na!