Saturday, April 7, 2012

ANO NGA BA ANG ...Sabado de Gloria?

Sabado de Gloria, ika-7 ng Abril 2012, sa San Francisco. Kahapon, Biyernes Santo, katulad ng mga nakaraang taon, isang pangkaraniwang araw ang Good Friday. Pagkatapos ng 8-to-5 pasok ko sa trabaho, niyaya ako ng mga kaibigan na sumama sa kanilang Visita Iglesia. Walo kaming lahat, at ako ang nagsilbing navigator at tour guide sa papunta sa mga simbahan.  

Nagsimula kami sa St. Anne of the Sunset sa may Judah and 14th Avenue (ang parokya ng kaibigan paring si Fr. Rey Reyes), tumuloy sa St. Cecilia sa Vicente and 17th Avenue (parokya ng Borja family, nina Mario at Grace Borja (SLN)), pero hindi namin nahabol ng bukas, at ang nakapaskel sa harapan ay 12 -3 pm Passion of Christ. Nagtuloy kami sa Holy Name of Jesus  sa may 39th Avenue and Lawton. 

Dahil sa malapit ng magdilim, ipinasya naming tumuloy sa mga simbahang may kalakihan ang parokya ng mga Pilipino. Tumuloy kami sa South San Francisco at Daly City. Sa St. Augustine, may dinatnan kaming nagsasamba, si Fr. Ed Dura ang namumuno ng padasal, at halos lahat ng nagsasamba ay mga Pilipino. Sa pagdating namin sa St. Andrew's sa Sullivan sa Daly City,  nagsisimula na ang padasal, pawang mga Pilipino rin ang nasa loob ng simbahan. Sa Our Lady of Perpetual Help, sa may Top of the Hill, bagamat Pilipinong pari ang nag-li-lead ng serbisyo sa wikang Spanish ito ginagawa. Gayun din ang aming napansin ng marating namin ang serbisyo sa Epiphany Church sa may Vienna, marami ay mga Latino ang nasa loob ng simbahan. Huli namin binisita ay ang Corpus Christi sa may Santa Rosa, sa Excelsior District. Hindi na kami tumuloy kasi sarado na ang pintuhan. 


Friday, April 6, 2012

SAAN NGA BA...nanggaling ang katagang "Mukhang Biyernes Santo"?

Biyernes Santo ngayon dito sa San Francisco (USA). Sabado de Gloria na sa Pilipinas.

Kamakailan naglabas ng panawagan sa mga tao ang mga pinuno ng simbahang katoliko; sa halip na raw gawing bakasyon at magtungo sa mga beach at pasyalan, pinaalala nila igalang ang pag-obserba sa Mahal na Araw, lalung-lalo na ang Biyernes Santo.

Hindi ko alam, matagal na rin kasi akong hindi nakakabalikbayan sa Pilipinas, kung sinunod ng mga tao ang panawagan ng simbahang Katoliko. Gayun pa man, sa palagay ko marami ang bumale-wala o nag-ignore sa nasabing panawagan.

Oo nga naman, bakit kinakailangan magmukhang Biyernes Santo nitong long-day-weekend? Ano nga ba ang "mukhang Biyernes Santo?" sa ating kinagisnan kultura?

Bago ko tugunan ang katanungan hinggil sa "mukhang Biyernes Santo" nais ko munang ibahagi ang una kong kolum kong "USApang Pinoy" hinggil sa Mahal na Araw na lumabas nuong Abril ng 2000 sa Manila Bulletin-USA. Narito ang borador ng artikulo bago nalatha sa nabanggit na pahayagan.
++++
USApang-Pinoy
ni MC Canlas

Mga Pananaw sa Mahal na Araw

Happy Easter at “enjoy your spring break” ang bati ng aking mga kasamahan sa eskwela. Nagkasabay na naman ang Semana Santa at ang spring break sa eskwela. Excited ang lahat sa isang linggong bakasyon at pahinga.

Dito sa  Amerika, iba ang Semana Santa o Holy Week. Katunayan ang Biyernes Santo o Good Friday ay pangkaraniwan lamang. Sa mga nagtratrabaho sa opisina, iba ang pakahulugan sa “Thank God It’s Friday” o TGIF; “panahon na upang magsaya, forget muna ang problema.” Oras ito para maglibang at pumunta sa mga “happenings,” katulad ng pagsalubong sa weekends. Mararamdaman lamang ang tinatawag na Lenten season sa tradisyong “Easter.”  Maliban sa mga serbisyo sa simbahan sa pagbukang-liwayway ng Linggo, ang nakagawian ay mga kasayahan at “Easter eggs hunting party” ng mga bata.

Sa ating mga Pilipino ang paggunita ng Biernes Santo at Semana Santa ay hindi lamang kagawiang pang-Romano Katoliko; isang rin itong katutubong kaugaliang Pilipino. Masisilip ang paghubog ng pagkatao ng mga Pilipino sa mga nakagawiang ritwal at pananaw sa Biernes Santo at Semana Santa.

Ang tawag ng mga Tagalog sa Semana Santa ay Mahal na Araw.  Bakit nga kaya tinawag itong “Mahal na Araw” at hindi “Banal na Araw,” ang angkop na salin sa “Holy Week?” May malalim pa kayang kapaliwanagan kung bakit tinawag itong “mahal na araw?” Hangga ngayon wala pa akong nababasang libro, artikulo o pananaliksik tungkol sa “Mahal na Araw” maliban sa paglalarawan sa mga ritwal, kagawian at pananaw ng mga Pilipino kung dumarating ang Semana Santa.

Hinahanap ko ang ugnayan ng “mahal” sa “Mahal na Araw” at ang katutubong sikolohiya nating “pakikipag-kapwa-tao.” May kasabihan tayong mga Pilipino: “Madali ang maging tao, mahirap magpakatao.” Sa aking palagay ang mga ritwal, pananaw at kagawian tuwing Mahal na Araw” mahalagang sangkap sa gawaing pagpapakatao. Ayon kay Dr. Virgilio Enriquez ang kaibuturan  ng ating pagiging Pilipino ay ang pakikipag-kapwa-tao. Matingkad sa atin ang konsepto ng “loob,” tulad ng “pakikipagpalagayang-loob,” “niloob,” “pagbabalik-loob,” “kalooban” at marami pang iba.

Sa ating tradisyong nakagisnan ang Mahal na Araw ay panahon ng pagmumuni o “reflection”, sa sarili, sa pakikipagkapwa-tao, sa paniniwala at pananampalataya. Ito ang takdang panahon ng pagbabalik-loob sa Poong Maykapal, “paghuhugas ng kasalanan,” pagpapatawad sa mga “may atraso”at paghingi ng kapatawaran sa mga nagawang kasalanan, pagkakamali at pagkukulang.

Lumaki ako sa isang baryo sa San Fernando, Pampanga na mayaman ang tradisyon sa Mahal na Araw. Pinaghahandaan ng mga magkakapitbahay, pamilya at magkakabaryo ang “Pasyon” (“puni” sa Kapampangan). sa kani-kanilang pook. Bayanihan ang tradisyon; may nakatalagang grupo ng magkakapitbahay para maging punong-abala sa bawat araw. Sila ang nag-aayos sa simbahan o altar, nag-aanyaya ng mga bisita, naghahanda at nagsisilbi ng mga pagkain tulad ng arroz caldo, sotanghon , sorbets. Inaasahan ang mga tao na bumisita sa iba’t-ibang simbahang may pasyon. Magandang kagawian ito ng pagpapalapit-loob ng mga magkakababayan at ng mga taga ibang bayan.

Pakikipagkapwa at paglilinis-loob ang tradisyong penitensiya (“darami”at “salibatbat”sa Kapampangan).  Para sa mga taong nagpipinetensiya, ang kanilang paglahok ay katumbas sa pangungumpisal sa simbahan. Ang kaibahan lang, sa halip na hinihingi ng kapatawaran sa mga nagawang kasalanan at pagkukulang sa pari sa kumpisalan sa simbahan ginagawa ito ng pagpapakasakit sa sarili.

Sa Huwebes Santo ang nagpipinetensiya ay naglalakad na nakatalukbong ang mukha patungo sa simbahan. Dumadapa sa lupa at pinapalo siyang pakurus ng sinturon sa bawat pagdaan ng nagpipinetensiya sa bahay ng taong kanyang nagawan ng pagkakasala, pagkukulang o ninanais na magbalikan ng loob. Ganoon din ang ginagawa sa mga nagpipinetensiya sa Biyernes Santo. Ang mga kamag-anak ng taong nagpipinetensiya ay taimtim na nagdadarasal para hindi manghina ang nagpipinensiya at makarating siya sa simbahan, Pinapalagay nilang hindi tinatanggap ang hinihinging kapatawaran ng nagpipinetensiya kung siya ay mahilo, manghina at hindi makarating sa simbahan.

Madalas ang penitensiya, katulad rin ng pagbabasa ng pasyon, pagbi-vigil at pagsunod ng araw ng pangilin, pagsalubong, paghahanda sa pasyon, pakikinig sa “siete palabras” at pagsimba, ay ginagawang panata o taunang obligasyon ng mga tao. Bukal sa puso at damdamin ang pagkakaroon ng panata. Malinis ang kalooban kapag ang panata ay nagampanan o natamo.

Sa Biernes Santo, ayon sa mga kwento ng matatanda, nasusubukan ang pagkatao ng tao. Sa mga naniniwala sa mga agimat, anting-anting, sakuna at milagro, ang Biernes Santo ang natatanging araw. Dahil “patay ang  Anak ng Diyos,” panahon at pagkakataon ito ng mga kampon ni Lucifer o Satanas at ng ibang nilalang (mga hindi-tao, tulad ng mga engkanto at maligno). Kinakailangan ang maging maingat, taimtim at gawin ng mga pangilin at panata, ang paalala ng mga matatanda, sapagkat sa panahong iyon, ang taong naniniwala sa Diyos ay walang “tagapagligtas” at “tagapagtanggol.” Maraming pamahiin at superstition ang kakabit nito, tulad ng “pag-iwas sa paggawa ng mabibigat na gawain,” “paghahanap ng anting-anting o agimat sa masukal na lugar,”at mismong “pagligo ay masama sa katawan.”

Pinapalagay din na ang mga sakuna, aksidenteng nangyayari sa Biernes Santo ay kaloob ng Diyos na hindi kumikilala sa pagiging mahal na araw. Ibig sabihin, sundin ang mga payo ng mga matatanda, gampanan ang panata,at na huwag na huwag tatalikuran ang Poong Maykapal.  Sa Kapampangan, tinatawag naming itong “mapapa.”

Ang malalim na pagkakahulugan ng Mahal na Araw sa tradisyong Pilipino ay mahalagang sangkap ng ating pagiging Pilipino. Sana maibahagi natin ang saysay ng Mahal na Araw sa susunod na henerasyon at sa mga kababayan nasa ibang bansa.